Gilas walang balak mag-relaks | Pilipino Star Ngayon


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 25, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Tumitindi na ang bakbakan sa men’s basketball sa Southeast Asian Games dahil umaangat na rin ang laro ng iba pang bansangkasapi nito.

Kaya naman wala sa isip ng Gilas Pilipinas na maging kampante sa oras na tumuntong ito sa Bangkok, Thailand para depensahan ang kanilang korona.

Kagrupo ng Gilas Pilipinas ang Malaysia at Vietnam sa Pool A habang nasa Pool B naman ang host Thailand, 2021 champion Indonesia, Singapore at Myanmar.

Alam ng lahat na hindi naman ganun kalakas ang Malaysia at Vietnam sa men’s basketball.

Subalit tiniyak ni Gilas Pilipinas head coach Norman Black na ilalabas pa rin nito ang buong puwersa nito para maiwasan ang anumang upset lalo pa’t gigil ang lahat na talunin ang kanyang tropa bilang defending champion.

Mapapalaban ang Gilas Pilipinas pagdating sa semis dahil posibleng makaharap nito ang Thailand o Indonesia na siyang inaasahang magiging top teams sa kabilang bracket.

“Don’t take any team for granted,” ani Black sa isang ulat.

Malaking kawalan sa lineup ng Gilas Pilipinas sina naturalized players Justin Brownlee at Angelo Kouame matapos maglabas ng bagong rules ang Thailand SEA Games organizers na hindi maaaring makalaro ang mga natura­lized players sa biennial meet.

Kaya naman inaasa­hang kakayod ng husto ang mga nalalabing mi­yembro ng Gilas Pilipinas.

Wala pang opisyal na pangalan kung sino ang mga papalit sa puwesto nina Brownlee at Kouame ngunit maugong ang pa­ngalan nina Geo Chiu at Jamie Malonzo sa mga posibleng humalili.

Makakasama ng tropa sina Bobby Ray Parks, Matthew Wright, Thirdy Ravena, Dave Ildefonso, Jason Brickman, Rey Martin, Brandon Ganuelas-Rosser, Mike Phillips, Kymani Ladi at Veejay Pre.

Hindi pa nagsisimula ang pormal na ensayo ng Gilas Pilipinas dahil wala pa ang ibang players na nag­lalaro sa Japan B.League at MPBL.

Magsisimula ang Thailand SEA Games sa Dis­yembre 9 at magtatapos sa Disyembre 20.