August 22, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ekis na ang pangalan ni undefeated World Boxing Association (WBA) lightweight champion Gervonta Davis sa mga posibleng makalaban ni eight-division world champion Manny Pacquiao sa Disyembre.
Ito ay matapos ihayag ang laban nina Davis at Jake Paul na gaganapin sa Nobyembre 14 sa State Farm Arena sa Atlanta.
Dahil dito, wala na sa listahan si Davis sa mga pinagpipilian para sa December fight ni Pacquiao.
Matunog ang pangalan ni Rolando Romero na nauna nang nagpahayag na handa itong labanan ang Pinoy champion.
“A Hall-of-Famer on my resume, who wouldn’t want that? That’s the easiest way to get into the Hall of Fame, right?” ani Romero sa kanyang mga naunang panayam.
Lumutang ang pangalan ni Romero matapos ang laban nina Pacquiao at reigning World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios noong Hulyo sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Nauwi ang laban sa majority draw dahilan para mapanatili ni Barrios ang kanyang korona.
May usap-usapan din ng posibleng rematch nina Pacquiao at Barrios subalit wala pang kumpirmasyon ang dalawang kampo.