Eala kasado na sa US Open debut


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 24, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ilalabas na ni Pinay netter Alex Eala ang lahat ng alas nito sa pagsisimula ng kampanya nito laban kay world No. 15 Clara Tauson ng Denmark sa US Open women’s singles na ginaganap sa USTA Billie Jean King National Tennis Center sa Queens, New York.

Maghaharap sina Eala at Tauson sa first round ng torneo sa alas-12:40 Lunes ng madaling-araw (oras sa Maynila).

Ityak na ibubuhos ng 20-anyos Pinay netter ang buong lakas nito upang masiguro ang pambuenamanong panalo sa naturang Grand Slam event.

Ito ang ikatlong beses na masisilayan sa aksyon si Eala sa main draw ng isang Grand Slam tournament.

Una na itong sumabak sa French Open sa Paris, France at sa Wimbledon Championship sa London, England.

Subalit pareho itong bigo sa kanyang unang pagsalang.

Kaya naman desidido si Eala na gawin ang lahat para makahirit ng tiket sa second round ng torneo.

Ngunit daraan sa ma­tinding pagsubok si Eala dahil hindi biro kalaban si Tauson.

Kasalukuyan itong nasa ika-15 sa world rankings ng WTA. Mayroon din itong tatlong singles titles.

Hindi naman nasisindak si Eala dahil sanay na itong makipagsabayan sa mga world-class players.

Magiging balakid lamang kay Eala ang kanyang shoulder injury na natamo nito sa first round ng National Bank Open sa Montreal, Canada kung saan natalo ito kay da­ting Wimbledon champion Marketa Vondrousova ng Cezh Republic sa iskor na 6-3, 1-6, 2-6.