Asst. director ng Emily…, pumanaw sa taping


SHOW-MY — Salve V. Asis — Pilipino Star Ngayon

August 25, 2025 | 12:00am

Nagluluksa sa social media ang fans ng hit show na Emily in Paris.

Ito ay matapos mapabalitang pumanaw habang nasa taping ang assistant director ng nasabing palabas sa Venice, Italy para sa kanilang 5th season.

Ito ay si Diego Borella, assistant director, 47 years old.

Ayon sa online reports, hindi na siya nailigtas ng medics.

Nag-collapse diumano ang assistant director habang naghahanda sa kukunan nilang isang eksena.

Dahil dito, pansamantala raw nasuspinde ang taping ng palabas na pinagbibidahan ni Lily Collins na gumaganap na marketing executive na si Emily Cooper na nagtatrabaho sa isang marketing and PR firm sa Paris.

Sa nakalipas na apat na season, sa Paris kinunan ang karamihan sa eksena pero sa bandang ending ng fourth season ay nakarating na ang mga eksena sa Rome, Italy.

Sumikat ang Emily in Paris noong panahon ng pandemya.

Kasama rin sa palabas sina Philippine Leroy-Beaulieu bilang Sylvie, Ashley Park bilang Mindy, Lucas Bravo bilang Gabriel, at Lucien Lavis­count bilang Alfie.

Dahil din sa palabas na ito, maraming Pinoy tourists ang pinapasyalan ang location nito sa France.