Kobe Shinwa buhay pa! | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 29, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Itinakda ng guest team Kobe Shinwa University ang kanilang ‘do-or-die’ match ng Chery Tiggo para sa ikalawa at huling finals spot sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.

Ito ay matapos ungusan ng Japanese team ang Cignal HD, 25-7, 25-18, 19-25, 27-25, kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Kumana si Nagisa Komatsuda ng 21 points mula sa 19 attacks, isang block at isang service ace para sa 3-1 record ng Kobe Shinwa katabla ang Crossovers.

Pag-aagawan ng Kobe Shinwa at Chery Tiggo ang finals ticket ngayong alas-4 ng hapon kung saan ang mananalo ang haharap sa PVL on Tour champion PLDT para sa one-game championship sa Linggo sa Big Dome.

Laglag ang HD Spi­kers sa 1-4 at nakahugot kay Rose Doria Aquino ng 16 points kasunod ang 11 markers ni PVL on Tour MVP Erika Santos.

Nalampasan ng Kobe Shinwa ang tatlong set points ng Cignal sa fourth set bago ang magkasunod na atake ni Yasuma para selyuhan ang kanilang panalo, 27-25.

Nauna nang kinuha ng Japanese collegiate team ang 2-0 bentahe bago naagaw ng HD Spikers ang third frame, 25-19, sa likod nina Doria-Aquino, Santos, Vanie Gandler at Jackie Acuña.

Sa fourth set ay hinataw ng Cignal ang 19-16 abante patungo sa 25-24 bentahe matapos manalo sa net fault challenge.

Umiskor si Ishikawa na sinundan ng dalawang hataw ni Yasuma para kumpletuhin ang kanilang four-sets win.