Top teams inaabangan na sa FIVB Worlds


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 29, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inaabangan na ang pagdating ng mga world-class teams sa bansa na magbabakbakan sa FIVB Men’s Volleyball World Championship 2025 na gaganapin sa susunod na buwan sa SM Mall of Asia Arena at Smart Araneta Coliseum.

Nangunguna na sa listahan ang reigning champion Italy, Olympic gold medalist France at world No. 1 Poland na mga paboritong magkampeon sa taong ito.

“Elite at its highest level,” ani Philippine National Volleyball Federation president Tats Suzara na siya ring nangunguna sa world championship Local Organizing Committee.

Inaasahang magbibi­gay ng magandang laban ang Italy, France at Poland sa world spikefest na papalo mula Setyembre 12 hanggang 28.

Babandrerahan nina Wilfredo Leon at Volleyball Nations League MVP middle blocker Jakub Kochanowski ang Poland na siyang top seed sa torneo.

Ang Poland ay silver medalist sa 2024 Paris Olympics. Nakalikom ito ng 400 points matapos talunin ang Italy sa VNL finals na ginanap sa China kamakailan.

Nasa No. 4 naman ang France na back-to-back champions sa Olympics kung saan pamumunuan ito ni Paris Games MVP Earvin Ngapeth.

Target ng France na makaresbak sa edisyong ito matapos masibak sa quarterfinals ng 2022 world championship na ginanap sa Poland at Slovenia.

Hindi rin pakakabog ang Italy na mamanduhan nina VNL Best Setter Simone Giannelli at Best Outside Spiker Alessendro Michieletto.

Masisilayan din ang world No. 3 Brazil na babanderahan nina Alan Souza, Ricardo Lucarelli, Mathes Bispo dos Santos at setter Bruno Fernando.

Bronze medalist ang Brazil sa katatapos na 2025 Volley Nations League gayundin sa 2022 FIVB Worlds.

Sa kabilang banda, puspusan na ang pagha­handa ng Alas Pilipinas para masigurong handa itong makipagsabayan sa mga world-class teams.

Mangunguna para sa Alas Pilipinas sina Bryan Bagunas at Marck Espejo.