August 30, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pinagsamang standouts mula sa UAAP, NCAA, MPBL at ibang bansa ang bibida sa 2025 PBA Rookie Draft sa pagtatapos ng aplikasyon kahapon sa PBA Office sa Libis, Quezon City.
Sa ngayon ay lagpas 70 aplikante subalit inaasahang may mga humabol sa deadline kahapon ng alas-5 ng hapon para sa bigating 2025 Draft Class.
Ito ang unang patikim ng liga para sa inaasahang PBA Season 50 tampok ang golden anniversary ng pinakaunang professional basketball league sa Asya.
Bandera sa listahang isasapinal ng PBA ngayon ay sina Filipino-American sensation Jason Brickman at dating Batang Gilas guard Dalph Panopio mula Italy pati na ang mga dating Asian imports sa Japan at Gilas Pilipinas players na sina Juan Gomez de Liaño at Geo Chiu.
Kasali rin sa top prospects sina LJay Gonzales ng FEU, CJ Austria ng La Salle, Yukien Andrada ng San Beda at Chris Koon ng Ateneo.
Sasalain ng PBA ang listahan para sa mga pinal na manlalarong maiimbitahan sa PBA Draft Combine sa Setyembre 4 hanggang 5 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Kikilatisin sila sa iba’t ibang skill tests at scrimmages bago ang mismong PBA Rookie Draft sa Setyembre sa SM Mall of Asia Music Hall.
Wala pang opisyal na draft order na inilalabas ang PBA subalit ayon sa kanilang standings noong Season 49 ay Terrafirma ang may hawak ng No. 1 pick matapos mangulelat sa tatlong conferences.
Susunod sa kanila ang Phoenix, Blackwater, NorthPort at NLEX sa Top 5, habang kukumpleto sa 1st round ang Magnolia Meralco, Converge, San Miguel, Rain or Shine, Ginebra at Rain or Shine ulit mula sa TNT Tropang 5G.
Nawalan ng pick ang TNT, finalist sa tatlong conferences, matapos i-trade ang Season 50 1st round pick sa Rain or Shine noong 2023 kapalit sina Henry Galinato at Jewel Ponferrada.