Kiko napikon…Sharon, dinadawit sa flood control projects


SHOW-MY — Salve Asis — Pilipino Star Ngayon

September 3, 2025 | 12:00am

May mga nagtanong kung bakit pati si Sharon Cuneta ay idinadawit sa mga iregularidad sa flood-control projects.

Parang nagagamit daw si Ate Shawie para ilihis ang totoo namang mga isyu sa mga anomalya sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kaya naman iginiit ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na mag-isyu ng public apo­logy ang isang TV network sa kanyang asawa dahil diumano sa pagkaladkad dito sa diskusyon tungkol sa mga iregularidad nga sa flood-control projects.

Ayon kay Sen. Kiko, hindi raw patas na kinaladkad si Sharon sa isang diskusyon na wala itong kinalaman.

Nanawagan siya na mag-isyu ng apology sa kanyang asawa ang nasabing network.  “Hindi nirerespeto ng inyong mga anchor si Sharon, ininsulto siya, at sinaktan ang kanyang damdamin sa pamamagitan ng pagkaladkad sa kanya sa isyung ito,” sabi ng senador sa lumabas na interview.

“Huwag kaladkarin ang mga inosenteng tao sa isyu o kawalan ng respeto, lalo na ang mga asawa ng mga senador na walang kinalaman sa usapin ng Senado,” dagdag nito.

Bukod kay Ate Shawie, nadadawit din si Heart Evangelista. Kaya naman, naglabas na siya ng resibo na meron siyang 50 endorsements kaya keri niya ang lifestyle bukod pa sa pagiging influencer.

Pinag-iinitan kasi si Heart kung bakit hindi raw siya kasama sa mga highest taxpayers sa showbiz na pinangungunahan nina Vice Ganda, Julia Barretto, and Kathryn Bernardo gayung ang dami niyang endorsement.

Anyway, nakakaloka ang mga nabubun­yag sa ginaganap na hearing sa Senate at Congress na mas interesting pa talaga sa mga kuwento ng pelikula at teleserye.

Kaya paano pa nga na may manonood sa mga sinehan, sa hearing pa lang, aabangan mo na ang kuwento at sana ang ending ay katotohanan.

Sa umpisa lang maga­ling ang mga Pinoy, pero sa totoo lang ‘unserious’ ang iba na panggulo na rin ng mga bina-bash.

Like si Sarah Viscaya tinatawag na Michael V. at ang ibang netizens naglabas ng photos nila na halos pareho ang posing.

 Noong Lunes nga, kung saan ipinatawag sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee para imbestigahan ang flood control projects sa bansa nakita sa hearing na nagpaiksi na si Viscaya at iba na ang hitsura sa mga nag-trending niyang interview kina Julius Babao at Korina Sanchez.

Pero ‘yun nga, sa rami ng kailangan niyang sagutin na diumano’y anomalya sa mga proyekto ng DPWH, ginagawa pang katatawanan ang hitsura niya sa pagkukumpara  kay Michael V.

Kaya sana talaga, may kahinatnan ang mga pinag-uusapang ito at hindi lumipas lang at matabunan ng ibang mga kontrobersya.