September 4, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sa harap ng mga executives at sponsors ay tiniyak ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio ang patuloy na pagpapalakas ng kanilang mga grassroots programs kasabay ng pagbibigay ng solidong suporta sa mga national athletes.
Sinabi ito ni Gregorio sa idinaos na kauna-unahang Sports Stakeholders Forum sa Solaire sa Pasay City kamakalawa.
“We will not stop, we will continue to run and we will continue to explore other opportunities… just do this as soon as possible, sayang ang panahon,” wika ni Gregorio.
Sa nasabing forum ay inilatag ni Gregorio ang mga plano ng PSC kasama ang kanilang mga flagship programs at infrastructure projects.
Pinahalagahan ni Gregorio ang pakikipagtulungan ng PSC sa mga private corporations na susi sa isang matagumpay na programa patungo sa Olympic Games.
“I’m very happy, the people in sports are here, this how it should be, and definitely it wouldn’t be the first and last,” ani Gregorio.
Sa kanyang opisyal na pag-upo sa PSC top post bilang kapalit ni Richard Bachmann ay kaagad kumilos si Gregorio.