Converge umangat sa Draft | Pilipino Star Ngayon


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 5, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Namumurong uma­ngat sa draft order ang Converge sa idaraos na 2025 PBA Rookie Draft sa Linggo sa SM Mall of Asia Music Hall sa Pasay.

Mula sa No. 8, segunda na pagpili ang FiberXers matapos masikwat ang rights mula sa Phoenix ka­palit ni Bryan Santos bilang bahagi ng patuloy nitong pagpapalakas.

Dagdag sa trade ng dalawang koponan ang No. 8 pick at isang future 2nd round pick ng Converge na mapupunta na sa Phoenix bagama’t hindi pa naaaprubahan ng PBA sa kasagsagan ng Rookie Draft Combine sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Dahil dito, may tsansa ang Converge na bubuntot lang sa No. 1 picker na Terrafirma na makasikwat ng mga bigating pangalan sa draft na pinagbibidahan nina 6-foot-10 Geo Chiu, Jason Brickman, Dalph Panopio, Will Gozum at Juan Go­mez De Liaño.

Si Brickman lang ang wala sa mga draft prospect sa pagsisimula ng Draft Combine kahapon dahil sa kanyang lakad sa Guam.

Mula naman sa 128 aplikante ay 126 na lang ang prospects ngayon matapos ang pag-atras nina Filipino-Foreign players Kareem Marcus Huntley at Wilfrid Nada dahil sa injury at kakulangan ng papeles.

Nasa likod nila ngayon ang Blackwater, NorthPort, NLEX, Magnolia, Meralco, Phoenix, San Miguel, Rain or Shine, Ginebra at Rain or Shine ulit na nasungkit ang 1st round pick ng TNT matapos ang trade nila no­ong 2023.

Para sa FiberXers, isa lamang ito sa offseason moves nila para sa mis­yong makabawi mula sa ka­biguang makapasok sa semifinals ng Season 49 sa kabila ng pinalakas na roster sa pamumunonina No. 1 pick Justine Bal­ta­zara, Justin Arana, Schonny Winston at Alec Stockton.

Nakatakda ring makuha ng Converge si Larry Muyang mula sa Phoenix sa hiwalay na trade kapalit ni Jeo Ambohot na mapupunta sa Pureblends kapalit naman ni Evan Nelle.

Noong nakaraang season ay na­ku­ha din ng koponan ni team owner Dennis Uy na tatrangkuhan ni Pampanga Vice Governor Dennis Pineda si Mikey Williams mula sa TNT kapalit ni Jordan Heading.

Nasa gitna pa ng nego­sasyon ang Converge at si Williams subalit kung maikakasa ang kontrata para sa PBA Season 50 sa susunod na buwan ay ma­sisiguro ang pagparada nila ng palabang koponang kayang sumabay sa TNT, Ginebra, Rain or Shine at reigning champion San Mi­guel.