Never pang nagka-award, Rez Cortez 50 years na sa showbiz!


Pilipino Star Ngayon

September 5, 2025 | 12:00am

Kadalasan ay kontrabida ang karakter ni ginagampanan ni Rez Cortez sa telebisyon man o pelikula.

Mahigit limang dekada nang aktibo sa show business ang character actor ngayon. Hindi na raw bago kay Rez na makagalitan ng mga tao kapag nakikita sa pampublikong lugar. “Sa akin minsan may nagmumura pa eh. May nagagalit pero I take it as a compliment. Meaning, effective ako sa mga roles ko. Ako ang approach ko do’n sa role ko, kasi ‘yung mga bad guy or bad character, hindi naman sila nag-iisip na ang ginagawa ko masama. When portray para bang as if, ‘yon ang tama eh. Ang tao ang nagja-judge, ang sama ng character na ‘yon. As far as my personal involvement do’n sa character na ‘yon, ang dating ko, tama ako. Hindi ako masama, mabuti ako,” nakangiting pahayag sa amin ni Rez sa Fast Talk with Boy Abunda.

Sa loob ng 50 taon ay mayroong isang proyektong hinding-hindi raw makalilimutan ng aktor. Mahalaga para kay Rez ang Insiang noong 1976 dahil ito rin ang kauna-unahang pelikulang Pinoy na nakalahok sa Cannes Film Festival.

“Actually, one movie na talagang hindi ko malimutan ‘yung Insiang. Although boy-next-door type ang role ko. Pero it’s a first movie na napasok sa Cannes Film Festival. Naging direktor ko do’n si Lino Brocka which I think he’s the best director for an actor. Kasi magaling siyang mag-motivate, magaling siya magbigay ng direction, clear na clear. More than the intensity na kailangan niya ipapakita niya sa iyo kung nagagalit siya, galit din siya. Si Lino walang pakialam kahit na sa eksena, sa labas kunyari may magulo, may maingay, minumura niya ‘yung mga ‘yon. That time parang first time na natanggap ako na artista talaga ako dahil na-handle ka na ni Lino. And isang classic film ang Insiang. Do’n ako natanggap bilang isang artista,” kwento ng aktor.

Bukod sa pagi­ging magaling na aktor ay magaling din na mananayaw si Rez sa telebisyon noon. “I joined the UE dance troupe tapos kinuha rin ako ng UP Filipi­niana and nagsayaw din ako sa dance group na ‘yon. Regular dancer ako ng Superstar ni Nora Aunor. ‘Yung mga Ike Lozada, Kuya Germs (German Moreno), mga noontime matinee (program), dancer ako do’n,” paglalahad niya.

Sa limang dekadang nakalipas ay hindi pa nakatanggap ng kahit isang award si Rez. Wala naman umano itong naging problema sa beteranong aktor at pinagbubutihan lamang ang trabaho sa lahat ng proyektong ginagawa.

“Hindi ako nagtatampo kasi nga naiintindihan ko kung paano mag-work ‘yung award-giving bodies. Siguro, marami akong nominations pero hindi ako nananalo kasi mas magaling ‘yung kalaban ko in that particular time. Although masarap ang maraming awards pero ‘yung friend ko (Bembol Roco) maraming awards na, pwede akong makisali na lang do’n,” natatawang pagtatapos ng beteranong aktor. (Reports from JCC)