4 dalagita na dadalhin sa Metro Manila, nasagip sa human trafficking


Jorge Hallare — Pilipino Star Ngayon

September 6, 2025 | 12:00am

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Abot langit ang pasasalamat ng mga magulang ng apat na minor na mga babaeng mag-aaral mula sa Masbate sa Police Regional Office 5 sa pangunguna ni regional director Brig. Gen. Nestor Babagay Jr. matapos na maharang ng mga pulis ang van na magdadala sana sa mga biktima papuntang Metro Manila sa ginawang operasyon sa Pio Duran Port, Pio Duran, ng lalawigang ito, kamakalawa ng hapon.

Pawang nailigtas at nasa pangangalaga na ng Masbate Police Provincial Office at kanilang mga magulang ang apat na biktima na pawang 16-anyos, estudyante at residente ng Cataingan, Masbate.

Arestado at nasampahan na ng kasong paglabag sa Anti-trafficking Law ang tatlong suspek, dalawa sa kanila ang recruiters habang ang isa ay van driver na nagpaliwanag na binigyan lang siya ng instruction na sunduin ang mga bata.

Sa ulat, humingi ng tulong sa Cataingan­ Police ang mga kamag-anak ng isa sa estud­yante na mula sa paaralan ay hindi na nakauwi at nakakuha sila ng impormasyong sakay na ito ng isang van na bumibiyahe patungong Pio Duran Port sakay ng barko na umalis dakong alas-12 ng tanghali.

Agad nakipag-ugnayan ang women and children desk division sa Pio Duran Municipal Police Station na agad inalerto maging ang municipal social welfare ng bayan at ang Philippine Ports Authority. Agad nilang nasabat ang van at mga bata na lulan ng MV Almirante Federico bago sila nakaalis ng pantalan.

Sa imbestigasyon, lumalabas na inalok ng mga suspek ang mga estudyante ng hindi pa binanggit na trabaho sa Metro Manila na may pangakong magandang buhay para sa kanila.