September 7, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Para mas makahikayat ng mga dayuhang mamumuhunan, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12252 o Act Liberalizing the Lease of Private Lands by Foreign Investors, na nagpapahintulot sa mga foreign investor na umupa ng pribadong lupa sa Pilipinas hanggang 99 taon.
Ang naturang batas ang nag-aamyenda sa Investors’ Lease Act (RA 7652) na pinapayagan lang ang long-term lease hanggang 50 taon at maaaring mag-renew ng 25 taon.
Sa ilalim ng RA 12252, na nilagdaan noong Setyembre 3, obligadong irehistro ang lease contract sa Registry of Deeds ng lungsod o probinsya kung saan matatagpuan ang lupa, at ipa-annotate ito sa certificate of title ng lupang nirentahan.
Bukod dito, maaari ring magtakda ang Pangulo ng mas maikling lease period para sa mga investor na sangkot sa mga serbisyo o industriya na itinuturing na critical infrastructure para sa pambansang seguridad.
Kung bawiin naman ang investment bago matapos ang kontrata o gamitin ang lupa sa hindi awtorisadong layunin, awtomatikong matatapos ang lease contract at maaaring humingi ng danyos ang may-ari ng lupa.
Para sa renewal ng kontrata, dapat ipakita ng foreign lessee na nakapagbigay ito ng social at economic contributions sa bansa.