BUBOT na BAYABAS (55) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

September 9, 2025 | 12:00am

NAGULAT si Apol sa nakita sa damuhan—isang pares ng tsinelas na sipit. Kulay gold ang tsinelas.

Takang-taka si Apol kung paano nagkaroon ng tsinelas sa damuhan.

Pinag-isipan ni Apol kung dadamputin ang tsinelas.

Hindi niya ginawa.

Sa halip kinunan niya ng picture. Hindi niya gaga­lawin ang tsinelas.

Sa posisyon ng tsinelas ay halatang hinubad ito ng may-ari. Nakaharap ang tsinelas sa direksiyon ng bahay. Maaaring nakati­ngin ang may-ari ng tsinelas sa bahay.

Ininspeksiyon uli ni Apol kung may umakyat sa punong bayabas. Wala siyang makitang palatandaan.

Isang minutong pinagmasdan ni Apol ang tsinelas. Sa hula niya, kabataan ang may-ari ng tsinelas.

Hindi kaya sa dalagita ang tsinelas na ito?

Sabi ng pamangkin ni Manang, nakita raw ang dalagita na patungo rito.

Hindi kaya nakapasok sa bahay ang dalagita?

Dali-daling pumasok sa bahay si Apol at nag-inspeksiyon. Unang inins­peksiyon ang kanyang kuwarto. Pagkatapos ay ang isa pang guest room. Sunod ang banyo, salas at kusina.

Wala namang nawala.

Sino ang may-ari ng tsi­nelas?

Muling binalikan ni Apol ang tsinelas sa damuhan.

Sinuri-suri. Bago pa ang tsinelas. Wala pang gasgas. Mukhang kabibili lang.

Pinagmasdan niyang mabuti. Ibang klase ang kulay gold ng tsinelas. Kung sa malayo titingnan, parang isang tumpok ng gold sa damuhan.

Hindi kaya gold ito?

Hinawakan niya ang dakong unahan ng tsinelas. Matigas!

Hahawakan pa sana ni Apol ang kabilang tsinelas nang may tumawag sa kanya mula sa gate.

Nagulat si Apol sa pagtawag.

Tinungo niya ang gate.

Itutuloy