September 9, 2025 | 12:00am
Matapos manalo sa Guadalajara open
MANILA, Philippines — Muling umangat sa live rankings ang Pinay netter na si Alex Eala matapos masungkit ang kaniyang kauna-unahang WTA crown sa kaniyang tennis career.
Inokupahan ni Eala ang No. 61 spot sa WTA — may 14 puwestong mas mataas kumpara sa kaniyang dating posisyon na No. 75.
Malaking tulong ang kampeonato ng 20-anyos na si Eala sa katatapos na Guadalajara Open sa Mexico noong Linggo.
Si Eala ang kauna-unahang Pinay netter na nakasungkit ng WTA title.
Tinalo ni Eala sa finals si Panna Udvardy ng Hungary sa pamamagitan ng pukpukang 1-6, 7-5, 6-3 desisyon.
Nagpaabot ng mensahe si Grand Slam champion Rafael Nadal dahil sa panibagong tagumpay na nakamit nito.
“Congrats Alex Eala for your first WTA title. I am happy and proud of what you are achieving for yourself and for the Philippines,” ani Nadal sa kaniyang social media accounts.
Sa Rafael Nadal Academy sa Mallorca, Spain nahubog ang kakayahan ni Eala bilangtennis player.
Pitong taon din itong nag-training sa Spain dahilan para lubos na mapalakas ang laro nito.
Sa ngayon, sesentro na ang atensiyon ni Eala sa susunod na torneong lalahukan nito.
Sasabak si Eala sa Sao Paulo Open sa Brazil simula bukas sa Parque Villa-Lobos.
Ang Sao Paulo Open na 250 event ay mas mataas kumpara sa Guadalajara Open na isang 125 tournament.
Hahawakan ni Eala sa Sao Paulo Open ang No. 3 seed, habang top picks naman sina No. 1 Beatriz Haddad Maia ng Brazil at No. 2 Solana Sierra ng Argentina.
Unang makakaharap ni Eala sa opening round ng Sao Paulo Open si Yasmine Mansouri ng France .
