SLP-BEST tankers humakot ng 10 golds sa AOSI


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 9, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Magarbong tinapos ng Swim League Philippines-Behrouz Elite Swim Team (SLP-BEST) Patriots ang kampanya nito makaraang bumanat ng anim na ginto sa huling araw ng kumpetisyon tampok ang dalawa pang bagong rekord sa 2025 Asian Open School In­vitational (AOSI) Short Course Age Group Swimming Championship na gi­nanap sa Assumption Uni­versity Aquatic Center sa Bangkok, Thailand.

Siniguro ni Behrouz Mo­hammad Madi Mojdeh ng La Salle-Greenhills na ma­tikas ang pagsasara nito sa torneo matapos su­misid ng tatlong ginto ka­bilang ang dalawang re­cord-breaking performances sa boys’ 14-year.

Unang bumanat si Moj­deh sa 200m freestyle kung saan nagtala ito ng dalawang minuto at 3.42 segundo para wasakin ang dating marka na 2:03.65 ni Woraphakphong Rachatatevin ng Thailand noong 2024.

Muling umariba si Mojdeh sa 100m butterfly bitbit ang 59.85 segundo para tabunan ang 1:03.06 ni Rachatatevin.

Tinapos ni Mojdeh ang kampanya nito sa isa pang gold-medal showing sa 100m Individual Medley sa oras na 1:03.40.

Sa kabuuan ay may pi­­tong ginto at isang pilak si Mojdeh kasama ang li­mang bagong rekord.

Wala ring nakapigil sa na­kapababata nitong kapatid na si Mikhael Jasper Mi­kee Mojdeh na humataw ng dalawang ginto, dalawang pilak at isang tanso sa boys’ 10-year.

Naghari si Mikee sa 100m backstroke sa kanyang 1:22.14, habang na­ma­yagpag din ito sa 100m butterfly bitbit ang 1:22.85.

Nakasiguro pa ang Immaculate Heart of Mary College-Paranaque tanker ng pilak sa 200m freestyle (2:37.66) at 50m butterfly (37.15) at tanso sa 100m IM (1:24.37).

Sa kabilang banda, nakahirit ng ginto si Lucena City pride Elisa De Kam sa girls’ 14-year 200m freestyle (2:28.17).

Nagdagdag si Kaidyn Brie Waskiewicz ng pilak sa girls’ 12-year 100m backstroke (1:15.43) at tanso si Tanjie Waskiewicz sa girls’ 16-year 100m IM (1:18.63).

“We’re so proud of these young swimmers. Hin­di sila nagpatalo sa mga Asian counterparts nila,” ani SLP-BEST team manager Joan Mojdeh.