Marcial, Vargas mananatili sa kani-kanilang posisyon


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Kasado na ang PBA Season 50 sa susunod na buwan sa pangunguna uli ng mga lider na sina Willie Marcial bilang Commissioner at Ricky Vargas ng Talk ‘N Text bilang Chairman ng PBA Board.

Napanatili ng 2 ang kanilang puwesto matapos ang halalan sa ginaganap na pre-season board mee-ting sa Las Vegas, Nevada simula pa noong Martes at magtatapos bukas sakto sa paglarga ng makasaysayang PBA Season 50 sa Oktubre 5 sa Smart Araneta Coliseum.

Magsisilbi sina Vargas at Marcial sa ika-9 sunod na termino para sa record-extending streak bilang pinakamatagal sa PBA simula nang maitayo ito noong 1975.

Mananatili din sa kani-kanilang puwesto sina Barangay Ginebra governor Alfrancis Chua bilang vice chairman, Atty. Raymond Zorilla ng Phoenix bilang treasurer at Atty. Ogie Narvasa bilang corporate secretary at legal counsel.

Kasalukuyang nasa Las Vegas ang PBA Board upang pagplanuhan ang buong PBA Season 50 hanggang sa 2026 bilang mahaba at malaking selebrasyon nito ng ika-50 golden anniversary bilang kauna-unahang professional basketball league sa Asya.

Tampok sa pagdiriwang ng PBA ang overseas games sa Dubai, United Arab Emirates sa Oktubre at sa Bahrain sa Disyembre.

Ilan din sa naging agenda ng board meeting ang pagbenta ng NorthPort sa Pureblends na malapit na aniyang maisapinal, ayon kay Vargas.

Sa pagpupulong din ibinalita ang net income ng PBA sa katatapos lang na Season 49 na aabot sa tinatayang 193 milyon, kulang lang nang bahagya sa nahakot nilang 200 milyon noong Season 47.

Tampok din sa board meeting ang pagbalita ng TV Broadcast partners ng PBA ng patok sa takliyang rating matapos pumalo sa lagpas 20 milyon ang audience reach sa RPTV at PBA Rush sa 3 confe­rences ng Season 49.

Pinakamataas dito ang sa Commissioner’s Cup na may 23.7 milyon kasunod ng Governors’ Cup na may 22.7 milyon ang Philippine Cup na may 21.2 milyong audience reach.

Bandera dito sina TV5 president Guido Zaballero, Cignal TV president at CEO Jane Basas pati na si Cignal TV vice president of Channels and Content Sienna Olaso.