Japan sibak sa Canada | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 16, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Tuluyan nang nasibak ang crowd favorite at World No. 5 Japan matapos yumukod sa Canada, 20-25, 23-25, 22-25, sa Pool G ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nalasap ng mga Japanese ang ikalawang sunod na kamalasan matapos matalo sa Turkiye, 19-25, 23-25, 19-25, noong Sabado para sa 0-2 record

Ito ang ikalawang first round exit ng Japan sa kanilang 17 FIVB Men’s Worlds appearances.

Pinamunuan ni star spiker Ran Takahashi ang mga local crowd darlings sa kanyang 11 points.

“I’m so happy to play in front of the Filipino fans. All I say is I appreciate it. Thank you for supporting us,” wika ni Takahashi. “Filipino fans always give me a lot of energy and support.”

Swak naman ang Canadians sa Round of 16 mula sa kanilang ikalawang dikit na ratsada na dumuplika sa nauna nilang panalo sa Libya.

Pumalo si Sharone Vernon-Evans ng 14 points at nagdagdag si team captain Nicholas Hoag ng 13 mar­kers para sa Canada.

Sumampa rin ang World No. 14 Turkiye sa Round of 16 matapos sibakin ang Libya, 25-18, 23-25, 25-14, 25-16.

Bumira sina Efe Mandiraci at Berdihan Bulbul ng tig-16 points kasunod ang 15 markers ni Adis Lagumdzija para sa 2-0 record ng mga Turkish sa Pool G papasok sa knockout stage.

Samantala, winalis ng Cuba ang Colombia, 25-22, 25-21, 25-20, sa Pool D sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Bagsak ang mga Colombians sa 0-2 marka.