Alas dapat manalo sa Egypt


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 16, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pipilitin ng Alas Pilipinas na makasampa sa win column sa Pool A sa pagsagupa sa Egypt sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship sa MOA  Arena sa Pasay City.

Nakatakda ang duwelo ngayong alas-5:30 ng hapon.

Nagmula ang mga Pinoy spikers sa 13-25, 17-25, 23-25 kabiguan sa Tunisia sa pagbubukas ng torneo noong Biyernes.

Humataw si star Bryan Bagunas ng 23 points para banderahan ang Alas Pilipinas na lumaban nang husto sa third set bago i­nagaw ng Tunisia ang hu­ling dalawang puntos.

“Sobrang natuwa ako na maganda ‘yung performance nung third set pero hindi naging maganda outcome. Pero for sure babawi kami sa next game,” sabi ng 6-foot-5 na si Bagunas.

Umiskor naman ang Egypt, ang 11-time African champion, ng 25-17, 16-25, 25-23, 25-20 panalo sa Iran noong Linggo.

“Expectation is to prepare nothing special. We have to prepare, recover our energies. It’s very important,” wika ni Pharaohs coach Marco Bonitta sa mga Pinoy hitters.

Inaasahan din ni Bonitta na ibubuhos ng Alas Pilipinas ang lahat para manalo sa harap ng mga Pinoy fans.

“It will be a very, very difficult match. Because the Philippines was a little bit nervous in the first and se­cond sets, but they played very good from the third set,” ani Bonitta.

Ang top two teams sa bawat pool ang papasok sa Round of 16 ng 32-team world championship.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na naglalaro ang Alas Pilipinas sa FIVB Worlds.