September 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Plano ng UAAP na tapusin nang maaga ang papabukas na UAAP Season 88 upang matulungan ang Gilas Pilipinas sa 33rd Southeast Asian Games sa Disyembre.
Ayon sa UAAP officials, nagpupulong na sila ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para maisakatuparan ito, kabilang na ang paga-adjust ng UAAP ng schedule nito.
Sa Sabado magbubukas ang UAAP at inaasahang tatagal ng Disyembre katulad noong Season 87 na umabot hanggang Disyembre 15.
Subalit kung susundin ito ng UAAP ay hindi aabot sa SEA Games na nakatakda sa Disyembre 9 hanggang 20 sa Thailand.
“UAAP executive Atty. Rebo (Saguisag) and I recently met with the SBP executive director Erika Dy on ways to maybe finish the UAAP basketball tournament early so that UAAP players can participate in the SEA Games. There will be a decision soon,” ani UAAP Season 88 vice president Mark Molina ng Far Eastern University.
Wala pang pinal na desisyon ang UAAP pero ayon sa mga ulat ay tatapusin nito ang Season 88 sa katapusan ng Nobyembre upang mabakante ang mga manlalaro hindi lang sa basketball events kundi pati na rin sa ibang sports na kasali sa SEA Games.
Wagi ang Gilas noong 32nd SEA Games sa Cambodia at tangka na maidepensa ang korona sa Thailand SEAG.