Team PHL kakasa sa Asian Youth Games


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 17, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — May 136 atleta ang magtatangkang humakot ng gintong medalya sa 3rd Asian Youth Games na idaraos sa Oktubre 22 hanggang 31 sa Manama, Bahrain.

Itinalaga sina Leo Mhar Lobrido ng boxing at Harlyn Serneche ng volleyball bilang flag bearers sa opening ceremony na gaganapin sa Exhibition World Bahrain.

“We’ll field a compact team of promising athletes who are all potentially our future Olympic, world and regional champions,” ani Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino.

Pakay ng delegasyon na malampasan ang dalawang gintong medalyang napanalunan ng bansa mula kina taekwondo jin Pauline Lopez at golfer Mia Legaspi kasama ang tatlong pilak na nakamit noong Nanjing 2013 Youth Games.

Ang Asian Youth Ga­mes ay nakalaan para sa mga kabataang atleta na may edad na 14 hanggang 17.

Nagwagi si Lobrido ng ginto sa boys’ 46-48 kgs division sa Greater Bay Area Youth Boxing Challenge na ginanap sa Shenzhen City, China noong Disyembre.

Sasabak ang Pinoy athletes sa volleyball, teqball, golf, triathlon, mixed martial arts, taekwondo, Muay Thai, athletics, boxing, cycling, weightlifting, table tennis, badminton, wrestling, aquatics at jiu-jitsu.

Magsisilbing chef de mission ng Team Philippines si Ramon “Tats” Suzara na pangulo ng Philippine National Volleyball Federation at Asian Volleyball Confederation.

May 4,000 atleta mula sa 45 Asian nations ang kakasa sa 223 events.