Alas, Iran bardagulan | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 18, 2025 | 12:00am

Para sa round of 16 spot

MANILA, Philippines — Napahiga sa sahig si Italian coach Angiolino Frigoni matapos ang 29-27, 23-25, 25-21, 25-21 panalo ng Alas Pilipinas sa Egypt sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship noong Martes.

Ayon sa 71-anyos na si Frigoni, ito ay dahil sa kanyang sobrang kasiyahan.

“I laid on the ground because I was very happy,” ani Frigoni. “This was not just for me and for the Filipinos, but this team was with me for 16 months, and I saw how they improved.”

Bago sumabak sa 32-team world championship ay sumalang muna ang mga Pinoy spikers sa trai­ning camps sa Europe.

Muli nilang ipapakita ang kanilang natutunan sa pagsagupa sa World No. 14 Iran ngayong alas-5:30 ng hapon matapos ang duwelo ng World No. 23 Egypt at World No. 40 Tunisia sa ala-1:30 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

May magkakatulad na 1-1 record ang apat na koponan sa Pool A at ang dalawang mananalo ang papasok sa knockout stage.

Nauna nang gumawa ng kasaysayan ang World No. 82 Alas Pilipinas sa kanilang panalo sa FIVB Worlds laban sa Egypt team na 10 taon hi­nawakan ni Frigoni.

Sa nasabing kauna-unahang panalo ng isang Philippine team sa world meet ay humataw si Bryan ‘Bazooka’ Bagunas ng 23 points habang may 21 markers si rookie opposite Leo Ordiales.

Nauna nang pumalo si Bagunas ng 22 points sa 13-25, 17-25, 23-25 pagyukod ng Nationals sa mga Tunisians sa kanilang FIVB Worlds debut noong Setyembre 12.

Bukod kina Bagunas at Ordiales ay muli ring sasandal ang Alas Pilipinas kina Marck Espejo, Owa Retamar, Kim Malabunga, Michaelo Buddin, Josh Ybañez at Jade Disquitado katapat sina Morteza Sha­rifi, Ali Hajipour at Mohammad Valizadeh ng Iran.