September 25, 2025 | 12:00am
Hinawakan ni Guava ang tsinelas na dala ni Apol. Sinuri-suri.
“Hindi ako maaaring magkamali Apol. Ito talaga ang tsinelas na nawala sa akin.”
“Paano ka nakasiguro?”
“Sa hawak ko pa lang, Apol—sure ako na ito ‘yun.”
Hindi makapagsalita si Apol.
Anong hiwaga ito? Ngayon lamang siya nakaranas ng ganito. Nangyayari lamang ito sa palabas sa TV o mga telenobela. Mga kuwentong paniwalaandili.
“Paanong napasakamay ito ng sinasabi mong dalagita—na kamukha ko pa?” tanong ni Guava.
“Yan nga ang nagpapalito sa akin, Guava. Bakit at paano? At ano ang kaugnayan sa iyo ng dalagita na may-ari nito?”
“Pati ikaw nadamay sa misteryong ito, Apol. Dati wala kang problema pero ngayon, problemado ka na rin.”
“Okey lang Guava. Ang hindi ko lang maunawaan ay kung bakit nga kamukha mo ang dalagita at kung bakit sa bakuran ko pa niya naisip iwan ang tsinelas na ayon sa iyo ay matagal mo nang hinahanap.”
Nag-isip si Guava.
Pinaglipat-lipat ang tingin kay Apol at sa tsinelas.
Pagkaraan ay huminga nang malalim. At isa pa.
“Ikaw ang ginawang tulay Apol. Isipin mo, di ba sabi mo, una mo akong nakita sa Ayala. Sabi mo, parang nakita mo na ako pero hindi mo matandaan kung saan. Hanggang sa maisip mo —kamukha ako ng dalagita. Tapos, nangupahan ako rito sa room mo—di ba may koneksiyon?”
“Oo nga ano?”
“Di ba Apol?”
(Itutuloy)