September 25, 2025 | 12:00am
Pinatunayan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na may pinunong handang ipaglaban ang interes ng bayan. Bagama’t nanatiling tahimik ang iba, nagpakita ng lakas ng loob si Belmonte: personal niyang inimbestigahan ang 331 flood control projects na nagkakahalaga ng halos P17 bilyon. Hindi niya ito ipinasa sa iba—siya mismo ang naghanda ng ulat, at opisyal itong tinanggap ng Independent Commission on Infrastructure (ICI).
Lumabas ang nakagugulat na katotohanan: sa 331 flood control projects, dalawa lang ang nai-coordinate sa lokal na pamahalaan. Isang hakbang na hindi biro, lalo na’t sa gitna ng kontrobersiya at malawakang kilos-protesta, pinatunayan ni Belmonte na may lider na may tapang at malasakit na magsiwalat ng katotohanan.
Ayon sa Local Government Code, Section 524(b), dapat munang kumunsulta sa LGU bago magpatayo ng proyekto. May ordinansa rin ang QC na nagpapatibay dito, kaya malinaw ang panawagan: ibalik ni President Bongbong Marcos ang tamang sistema—walang proyekto ng DPWH o national agency ang dapat ituloy nang walang basbas ng lokal na pamahalaan.
Sa panahong kulang ang lider na lumalaban sa maling sistema, pinatunayan ni Belmonte na posible ang pamumunong matapang at makatao. Kung mas marami pang tulad niya, tiyak na mas maayos at patas ang kinabukasan ng mga Pilipino.
Bago ko tapusin ang aking column, nais kong pasalamatan si Boss Miguel G. Belmonte, President ng Pilipino Star NGAYON sa pagbibigay-pahintulot upang marinig ninyo ang aking boses; si Rowena S. del Prado, managing editor; at Ronnie M. Halos, opinion editor.
Abangan ninyo tuwing Huwebes ang aking column at ang mga panayam sa mga taong direktang nakaaapekto sa ating bansa.