September 26, 2025 | 12:00am
Pasok sa Quarterfinals
MANILA, Philippines — Kinaldag ni Alex Eala si Mei Yamaguchi ng Japan, 6-0, 6-3, sa Round of 16 ng 2025 WTA125 Jingshan Open sa International Tennis Tournament Center sa Hubei, China kahapon.
Halos hindi pinawisan ang 20-anyos na Filipina pride matapos blangkuhin ang Japanese rival sa first set tungo sa mabilisang tagumpay sa loob ng 72 minutong aksyon lang.
Sa ikatlong sunod na pagkakataon ay swak na sa quarterfinals si Eala, WTA No. 58 at No. 1 seed ng 32-player tourney, kontra sa pambato ng China na si WTA No. 349 Jia-Jing Lu ng China.
Umiskor ng kaparehong 6-4, 6-0 sweep si Lu kontra kay Riya Bathia, WTA No. 499, ng India.
Kagagaling lang ni Eala sa dalawang sunod na quarterfinal appearances sa WTA125 Guadalaraja Open sa Mexico at WTA250 Sao Paulo Open sa Brazil tampok ang 7 sunod na panalo.
Si Eala rin ang nag-reyna sa Guadalajara para maipanalo ang kanyang unang titulo sa WTA at sa Pilipinas na rin.
Iyon ang inaasahang maulit ni Eala kung makakalusot kay Lu upang mamuro ng 2 panalo na lamang sa panibagong kampeonato na magpapalakas din ng tsansa niyang makapasok sa Top 50 sa unang pagkakataon.
Bukod sa pambihirang kampanya sa Mexico at Brazil, umukit din ng kasaysayan si Eala sa US Open bilang kauna-unahang Filipina winner sa kahit anong Grand Slam main draw matapos sindakin ang world No. 15 na si Clara Tauson ng Denmark sa Round 1.
Paborito si Eala sa Jingshan na magiging tulay niya rin para sa mas maganda pang kampanya sa 2 pang torneo sa China— ang WTA125 Suzhou Open sa Setyembre 29 hanggang Oktubre 5 at Hong Kong Open sa Oktubre 27 hanggang Nobyembre 2.
Sasalang pa sa ilang torneo sa Asya si Eala na inaasahang maglalaro ulit sa Philippine tennis team para sa 33rd Southeast Asian Games sa Disyembre sa Bangkok, Thailand matapos manalo ng 3 bronze medals sa 2022 SEA Games sa Hanoi, Vietnam.
