Alex Eala pasok sa jingshan open semis


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inilampaso ni Alex Eala si Lu Jiajing ng China matapos itarak ang 6-4, 6-1 desisyon para masikwat ang silya sa semifinals ng 2025 Jingshan Tennis Open sa China kahapon.

Nagrehistro si Eala ng 76 percen­tage win sa first serve at 35 sa second serve.

May 5-of-11 break points din ito.

Mabagal ang simula ng Pinay netter na sinamantala ng Chinese bet upang makuha ang 4-2 kalamangan.

Ngunit agad na nagising si Eala nang umarangkada ito gamit ang solidong baseline game para maidikit sa 4-all ang iskor.

Mula rito ay hindi na lumingon pa si Eala para makuha ang 1-0 bentahe sa set.

Sa second set, hindi na hinayaan pa ni Eala na makaporma ang Chinese netter nang muli itong maglatag ng solidong ratsada upang angkinin ang panalo.

Una nang tinalo ni Eala si Mei Yamaguchi ng Japan para makapasok sa quarterfinals.

Makakaharap ng top-seeded na si Eala sa semifinals si third seed Lulu Sun ng New Zealand na nagtala ng 6-2, 6-4 panalo kay Elen Pridankina ng Russia sa hiwalay na quarterfinal match.

Dahil sa panalo sa quarterfinals ng Jingshan Open, muling umangat si Eala sa WTA live rankings kung saan umupo ito sa No. 55 na panibagong career-high nito.

Pakay ni Eala na makuha ang ikatlong finals appea­rance sa WTA Tour sa taong ito.

Una na noong nagkampeon ito sa Guadalajara Open sa Mexico at sa Eastbourne Open sa Great Britain kung saan natalo ito sa finals laban kay Maya Joint ng Australia.