18 terorista sa Maguindanao del Sur, sumuko


John Unson — Pilipino Star Ngayon

September 26, 2025 | 12:00am

COTABATO CITY , Philippines — Nasa 18 na mga kasapi ng Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na ang lima sa kanila ay bihasa sa paggawa bomba ang sumuko at nanumpa ng katapatan sa pamahalaan nitong Martes, September 23, 2025.

Ginanap ang natu­rang surrender rite sa headquarters ng 92nd Infantry Battalion sa Barangay Salbu sa Datu Saudi Ampatuan sa probinsya ng Maguindanao del Sur, dinaluhan ni Major Gen. Ramon Zagala, commander ng 2nd Infantry Division, ng mga municipal officials at mga Muslim religious leaders na sumusuporta sa pagsasawata ng violent religious extremism sa probinsya.

Unang isinuko ng grupo ang mahigit 30 combat weapons, kinabibilangan ng assault rifles, grenade at B40 anti-tank launchers at mga IEDs, sa mga opisyal ng 92nd IB na pinamumunuan ni Lt. Col. Christian Cabading, bago sila nangakong igagalang na ang pamahalaan sa harap ni Datu Saudi Ampatuan Mayor Bassir Utto, ni Zagala at ni Col. Rommel Pagayon ng 1st Brigade Combat Team.

Sa ulat kahapon ni Major Gen. Donald Gumiran, commander ng 6th Infantry Division pumayag na magbalik-loob sa pamahalaan ang 18 na mga kasapi ng Dawlah Islamiya at BIFF sa pakiusap ng mga officials ng 92nd IB at ng 601st Infantry Brigade na sakop ang buong probinsya ng Maguindanao del Sur.

Pinasalamatan nila Zagala at Gumiran ang lahat ng mga nakatulong sa paghikayat sa 18 na mga local terrorists na sumuko at magbagong-buhay na.