Millora-Brown lalaro sa Gilas sa Asian Qualifiers


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Puwede nang maglaro si Quentin Millora-Brown para sa Gilas Pilipinas sa FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers.

Sinabi ni Gilas Pilipinas coach Tim Cone na nakikipag-usap na sila sa kampo ng 6-foot-10 na si Millora-Brown para mapag-aralan nito ang kanilang sistema.

Partikular sa mga dapat aralin ng dating sentro ng UAAP Season 87 champion University of the Phi­lippines ay ang pinapatakbong ‘triangle offense’ ni Cone sa Nationals.

Kung wala nang magi­ging problema ay maisusuot na ni QMB ang uniporme ng Gilas sa November window ng Asian Qualifiers.

Inaasahang makakasama ni Millora-Brown sa frontline ng Nationals sina 7’2 center Kai Sotto at 6’8 power forward AJ Edu.

Noong Agosto ay inilista ng FIBA si Millora-Brown bilang isang local player ng Gilas Pilipinas at hindi isang naturalized player matapos umapela ang legal team nito.