Eala, Kawa bakbakan na sa Suzhou open


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 30, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sisimulan ni Alex Eala ang kampanya nito kontra kay Katarzyna Kawa ng Poland sa opening round ng Suzhou Open na ginaganap sa Sungent International Tennis Center sa Yangcheng Lake Pe­ninsula sa Suzhou, China.

Magtutuos sina Eala at Kawa sa alas-10 ng umaga.

Orihinal sanang lalaruin ang laban nina Eala at Kawa noong Lunes ng umaga subalit nalipat ito sa Martes.

Ang mananalo sa pa­gitan nina Eala at Kawa ay papasok sa second round laban naman sa magwawagi kina Greet Minnen ng Belgium at wild card Shi Han ng China.

Isa si Eala sa pitong seeded players sa torneo.

Hawak nito ang No. 4 seed kasama si top pick Iva Jovic ng Amerika na nakatakdang harapin si Lulu Sun ng New Zealand sa opening round.

Si Sun ang tumalo kay Eala sa semifinals ng ka­tatapos na Jingshan Open.

Matapos ang Suzhou Open, sunod na sasabak si Eala sa mas malaking torneo na WTA 1000 Wuhan Open na lalaruin sa Oktubre 6 hanggang 12 sa China.

Subalit daraan muna sa qualifying round si Eala sa Wuhan Open bago makapasok sa main draw.

Hindi nakakuha ng awtomatikong silya sa main draw si Eala dahil sa kanyang kasalukuyang ranking na No. 58.

Tanging ang Top 56 pla­yers lamang ang binibigyan ng awtomatikong tiket sa knockout stage ng torneo.

Maliban na lamang kung may mga players na magwi-withdraw sa event.

Masuwerte pa kung bibigyan ito ng wild card spot gaya noong sa Miami Open kung saan gumawa ito ng ingay matapos pabag­sakin ang mga world-class players.