October 1, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kabuuang 1,681 athletes at coaches ang bubuo sa delegasyon ng Team Philippines para sa 33rd Southeast Asian Games na idaraos sa Bangkok, Thailand sa Disyembre.
Ito ang sinabi ni Chef De Mission Dr. Raul Canlas sa panayam ng RP2 Sports Radio kamakalawa.
“Wala pa doon ang administrative, ang support services. I expect all in all maging 2,000 iyan. It is our biggest delegation so far,” wika ni Canlas na pangulo rin ng United Philippine Surfing Association (UPSA).
Inaasahang babandera sa kampanya ng bansa sina 2024 Paris Olympics double-gold medalist Carlos Yulo sa gymnastics, 2020 Tokyo Games winner Hidilyn Diaz sa weightlifting, pole vaulter EJ Obiena at tennis sensation Alex Eala.
“I hope we land at third place. Alam na natin kung sino ang first doon,” sabi ni Canlas sa pagtukoy sa Thailand. “But we are participating in most events, even in the newer events.”
Noong 2023 SEA Games na idinaos sa Cambodia ay nagsabak ang Pinas ng 840 atleta na nag-uwi ng kabuuang 58 gold, 85 silver at 117 bronze medals para tumapos sa fifth place.
Inangkin ng Vietnam ang overall title sa nakolektang 136 golds, 105 silvers at 114 bronzes kasunod ang Thailand (108-96-108), Indonesia (87-80-109), host Cambodia (81-74-127) at Pilipinas (58-85-117).
Huling hinirang na overall champion ang Pilipinas noong 2019 edition sa hinakot na 149 golds, 117 silvers at 121 bronzes.
Dahil sa laki ng delegasyon ay itinala ng POC bilang mga deputy CDMs sina Alvin Aguilar ng wrestling, Bobby Moran ng soft tennis, Jop Malonso ng vovinam at Jarry Belo ng curlin.
Naisumite na ng Philippine Olympic Committee (POC) sa Thailand SEA Games organizers ang pangalan ng mga miyembro ng delegasyon para sa biennial event na nakatakda sa Disyembre 9 hanggang 20 at idaraos sa mga probinsya ng Chonburi at Songkhla.
