October 1, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Iisa ang nasa kukote ng host school University of Sto. Tomas at National University—ito’y ang masilo ang panalo upang sumalo sa tuktok ng UAAP Season 88 men’s basketball tournament.
Subalit isa lang sa kanila ang maaaring humakbang dahil magkatapat sila ngayong alas-4:30 ng hapon na lalaruin sa UST Quadricentennial Pavilion sa Manila.
Magka-agaw ang Growling Tigers at Bulldogs sa No. 2 spot sa team standings tangan ang tig 2-0 karta habang solo sa unahan ang Ateneo de Manila University na may malinis na tatlong panalo.
Ipaparada ng UST ang kanilang super rookie na si Collins Akowe upang makuha ang pangatlong sunod na panalo pero tiyak na dadaan sila sa butas ng karayom.
Makakatuwang ni Akowe sina Nic Cabañero, Amiel Acido, Forthsky Padrigao at Kyle Brandon Paranada para manatili ang kanilang winning streak.
Unang kinalmot ng Growling Tigers ang defending champion University of the Philippines, 87-67 at saka binalibag ang last year’s runner-up De La Salle University, 93-84.
Samantala, magtatapat naman sa unang laro ang DLSU at FEU sa alas-2 ng hapon.
