October 2, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sumalo sa tukok ng team standings ang National University matapos nilang lapain ang host school University of Sto. Tomas, 76-69 sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion kahapon.
Mahigpit na binantayan ng Bulldogs ang pambato ng Golden Tigresses na si Collins Akowe dahilan para masungkit ng una ang pangatlong sunod na panalo at samahan sa No. 1 spot ang Ateneo de Manila University, (3-0).
Si Akowe ay former NU Nazareth School foreign student-athlete, kaya kabisado ng Bulldogs ang galawan nito at nalimitahan siya sa limang puntos at walong rebounds.
Sa unang dalawang panalo ng UST, nag average si Akowe ng 24.5 points at 18.0 rebounds nang talunin nila ang defending champion University of the Philippines at last year’s runner-up De La Salle University.
Dikitan ang labanan sa unang tatlong periods kung saan ay lamang pa ang Growling Tigers ng tatlong puntos, 61-58.
Subalit bumangis ang NU sa fourth canto sa niratrat na 18-8 run matapos silang akbayan sa opensa ni Jake Figueroa na kumana ng 22 points, siyam na rebounds at dalawang assists.
Samantala, natakasan ng De La Salle University ang determinadong Far Eastern University sa 74-72 panalo sa unang laro.
Kumana si Doy Dungo ng 17 points para sa Green Archers upang ilista ang 2-1 karta at upuan ang No. 4 spot sa team standings.
