Mapua itinakas ni Cuenco sa 2-OT


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

October 2, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Naging matatag sa matinding pressure si JC Cuenco matapos nitong isalpak ang panelyong puntos upang akbayan ang defending champion Mapua University sa 90-89 double-overtime win kontra Lyceum of the Philippines sa opening ng NCAA Season 101 seniors men’s basketball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kahapon.

May anim na segundo na lang ang nalalabi sa orasan nang ipasok nito ang isa sa dalawang free throws para makuha ng Cardinals ang lamang.

Sa sumunod na possession, hinigpitan ng Mapua ang kanilang depensa dahilan upang mag mintis si Lyon Pallingayan na posible sanang magbigay ng panalo sa Pirates.

Maliban kay Cuenco, kinapitan ng Cardinals sina JC Recto at EJ Sapasap sa crunch time.

“I just let my instincts take over,” ani Recto. “All I thought about was doing whatever the coaches asked me to do.”

Kumana sina Recto at Sapasap ng tig-16 points habang 14 ang inambag ni Cuenco para sa Mapua na sunod na makakalaban ang Arellano University sa Sabado sa parehong lugar.

Nirehistro naman ni Renz Villegas ang 23 markers para sa LPU na nalasap agad ang unang kabiguan ngayong season.

Pinamunuan naman ni Villegas ang Lyceum sa itinilang 23 markers.