October 2, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom si Alex Eala bago pabagsakin si Greet Minnen ng Belgium sa pamamagitan ng 7-6 (5), 6-7 (3), 7-5, panalo kahapon sa Suzhou Open na ginaganap sa Sungent International Tennis Center sa Yangcheng Lake Peninsula sa Suzhou, China.
HIndi naging madali ang tinahak ni Eala na nangailangan ng malakas na puwersa para masiguro ang pagpasok sa quarterfinals ng 125-level WTA tournament.
Tumagal ang laro ng tatlong oras at 18 minuto.
Gaya ng kanyang mga naunang laro, maganda ang simula ni Eala na nagpako ng 3-0 kalamangan sa first set bago makaresbak si Minnen at maipuwersa ang tiebreak.
Kinatigan ng suwerte si Eala sa tiebreak para makuha ang 1-0 bentahe.
Sa second set, ganito rin ang nangyari na umabot sa tiebreak subalit pumabor kay Minnen ang kapalaran para makahirit ng third set.
Gitgitan ang laban sa final frame dahil walang gustong bumitiw sa laban.
Ngunit nakuha ni Eala ang break point sa huling sandali ng laban para tuluyang angkinin ang panalo.
Ito ang ikaapat na sunod na quarterfinals appearance ni Eala kasama na ang pag-entra nito sa Guadalajara Open sa Mexico, Sao Paulo Open sa Brazil at Jingshan Open sa China.
Sunod na makakasagupa ni Eala si sixth seed Viktorija Golubic ng Switzerland.
Mas maging madali ang tinahak ni Golubic na mabilis na dinispatsa si Linda Fruhvirtova ng Czech Republic sa iskor na 6-2, 6-0 sa hiwalay na Round of 16 match.