October 3, 2025 | 12:00am
Bahagyang kinilabutan si Apol sa ikinuwento ni Guava kaugnay sa pagkakaroon ng third eye nito.
“’Yun ang unang karanasan ko at nadiskubre na may third eye ako,’’ sabi ni Guava.
“Pero ano ang dahilan at nakita mo kapatid na panganay ng iyong lola?
Ano ang ibig sabihin niyon, Guava?”
“Makalipas ang anim na buwan, namatay si Lola. At alam mo habang nakaburol sa punerarya si Lola, muli ko na namang nakita ang kanyang kuya.”
“Anong ginagawa?”
“Basta naroon siya sa isang sulok at nakaupo. Hindi ko na sinabi kina Papa at Mama ang aking nakita at baka matakot lamang sila. Hindi ko na iyon sinabi kahit kanino.”
“Sa palagay mo bakit naroon ang kapatid ng iyong lola?”
“Nalaman ko kay Papa na magkasundung-magkasundo raw si Lola at ang kapatid na lalaki. Noon daw nabubuhay pa ang kapatid na lalaki ay madalas dalawin si Lola—magkasundo raw talaga ang dalawa.”
“Ano kaya ang dahilan nang pagpapakita ng kapatid?”
“Sinusundo na si Lola.”
Napakunot ang noo ni Apol. Nahihiwagaan siya.
“Nung una kong makita ang kapatid ni Lola na nasa gate, palagay ko, noon pa niya ito sinusundo pero lumipas pa ang six months bago iyon nangyari.”
“Kinikilabutan ako ah,’’ sabi ni Apol.
“Sa mga magkakapatid na maganda ang pagsasamahan, nangyayari raw talaga yan—sinusundo.”
Napatango na lang si Apol.
Dakong alas singko ng hapon, bumuhos ang ulan.
“Paano ako uuwi Apol?”
“Titila rin ‘yan.”
Pero nag-alas sais ay hindi pa tumitigil ang ulan. Lalo pang lumakas.
(Itutuloy)