EDITORYAL — Evacuation centers nasa pangarap lang


Pilipino Star Ngayon

October 6, 2025 | 12:00am

MGA tent ang nakatayo ngayon sa mga lugar na sinalanta ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Cebu noong Setyembre 30. Pinakamaraming tent sa Bogo City dahil ito ang grabeng tinamaan ng lindol. Ang mga residente na natatakot tumira sa kanilang mga bahay ay mas piniling maglagi muna sa plaza, tabing kalsada at mayroong nakasilong sa kulungan ng baboy. Natatakot ang mga residente sapagkat nararamdaman ang aftershocks. Kahapon, naramdaman ang 4.6 magnitude na pagyanig kaya naghatid na naman ng takot sa mamamayan.

Kapag tumatama ang bagyo, lindol, baha, o sunog, ang evacuation centers ang lagi nang pinagdadalhan ng mga apektadong pamilya. Kapag sinabing evacuation centers, tumutukoy ito sa mga public schools at mga covered court sa barangay. Wala naman talagang evacuation centers kaya ang mga nabanggit ang hantungan ng mga apektado. Walang ibang pagdadalhan sa kanila kundi sa mga eskuwelahang pampubliko.

Siksikan sa mga eskuwelahan na ginawang evacuation centers ang mga tao. Halu-halo na sila sa maliliit na kuwarto ng eskuwelahan. Kapag may sakit ang nilikas, hawa-hawa na rin sila. Lubhang kawawa ang mga sanggol, bata at senior citizens.

Sa nangyaring lindol sa Cebu, ang pagkakaroon ng desenteng evacuation centers ang nararapat sana. Kung may evacuation centers, hindi magiging miserable ang buhay ng mga apektadong mamamayan. Hindi sana sila mamamalagi sa gilid ng highway habang nakabalot sa plastic ang katawan para hindi mabasa ng ulan. Kung may desenteng evacuation centers, hindi sana titira sa mga kulungan ng baboy ang mga biktima.

Noong Disyembre 6, 2024, nilagdaan ni President Marcos ang Ligtas Pinoy Centers Act kung saan magtatayo nang matibay na evacuation centers sa bawat bayan na kumpleto sa pasilidad. Binigyan ng direktiba ni Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagtatayo ng evacuation centers. Sabi ni Marcos, tiyakin ng DPWH na matatapos sa tamang panahon ang matitibay na evacuation centers na nakasunod sa mga pamantayan ng National Building Code.

Subalit 11 buwan na ang nakalilipas, wala pang evacuation centers na ipinipresenta ang DPWH. Nasan ang kautusan na gagawa nang matibay na evac centers. Hindi kaya ghost evacuation centers din ang nangyari? Kung mayroong ghost flood control projects, posible rin ito sa evac centers.

Nararapat busisiin din ito ng committee na binuo ng Presidente upang malaman ang katotohanan. ­Maaaring pinagkaperahan din ng mga tiwaling contractor at DPWH officials ang evac centers.