Ando bumuhat ng bronze medal sa Worlds; Delos Santos may bagong junior record


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 7, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Binuhat ni two-time Olympian Elreen Ando ang bronze medal sa bigating 2025 IWF World Weightlif­ting Championships sa For­de, Norway.

Naglista ang Cebuana ng 131 kilograms para pu­mangatlo sa women’s 63kg clean & jerk.

Bigo si Ando na masa­pawan sina North Korean Ri Suk at 2020 Tokyo Olympic champion at 2024 Paris silver medalist Maude Charron ng Canada na nag­sumite ng 142 kilos at 133 kilos, ayon sa pagkaka­sunod.

Tumapos naman ang 26-anyos na Pinay weightlifter sa fourth place sa kany­ang 231 kilos sa total lift kapareho ng binuhat ni bronze medalist Yenny Sinisterra Torres ng Colombia.

Ginamit ang tiebreak para basagin ang pagkaka­tabla nina Ando at Torres.

Unang naiposte ng Colombian ang 231 kilos total lift sa una niyang attempt sa clean and jerk, habang na­gawa ito ni Ando sa ikalawa niyang attempt.

Si Ri ang nagreyna sa kanyang total lift na 253 ki­los — 111 kilos sa snatch at 142 kilos sa clean and jerk kasunod si Charron na tumipa ng 236 kilos (103 kilos sa snatch at 133 sa clean and jerk).

Samantala, nagtala si Albert Ian Delos Santos ng bagong junior world record sa men’s 71kg class.

Bumuhat ang 19-anyos na tubong Zamboanga City ng 185 kilos sa kanyang ikatlong attempt sa clean and jerk para tumapos sa fifth place.

Unang nagposte si Delos Santos ng 137 kilos sa snatch at pumuwesto sa No. 12 na kapos ng 11 kilos sa junior world standard na 148kg.