Giant Risers lusot sa bolts


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 9, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inilista ng Titan Ultra ang unang panalo sa PBA Season 50 Philippine Cup matapos patumbahin ang Meralco, 100-96, kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Nagpasabog si Calvin Abueva ng career-high 41 points kasama ang 9-of-10 shooting sa free throw line para sa 1-0 baraha ng Giant Risers.

Mula sa pagkakatabla sa halftime, 45-45, ay kumawala ang Titan Ultra sa third period sa pangu­nguna ni Abueva para ilista ang 72-60 sa huling 2:52 minuto.

Bumangon ang Meralco buhat sa 80-92 pagkakabaon para makalapit sa 87-92 sa 2:41 minuto ng fourth quarter sa likod nina CJ Cansino, Chris Banche­ro at Brandon Bates.

Kumonekta ng three-point shot si Munzon para sa Giant Risers na sinagot ni Chris Newsome ng 4-point shot para sa 91-94 pagdikit ng Bolts sa huling 1:43 minuto.

Matapos ang basket ni center Jeo Ambohot ay nagsalpak si Jerrick Balanza ng dalawang free throws para ilayo ang Titan Ultra sa 98-91 sa nalala­bing 29.7 segundo.

Huling dumikit ang Meralco sa 95-98 galing sa 4-pointer ni Cansino sa na­titirang 17.5 segundo.

Mintis ang dalawang free thows ni Giant Risers rookie Chris Koon, ngunit muli nilang napasakamay ang posesyon na nagresulta sa dalawang charirties ni Munzon para sa 100-95 bentahe.