Alessandra, diring-diri sa kissing scenes


SHOWBIZ NEWS NOW NA! — Boy Abunda — Pilipino Star Ngayon

October 10, 2025 | 12:00am

Dalawampu’t walong taon nang aktibo si Alessandra de Rossi sa show business. Marami nang nagawang proyekto ang aktres sa mga nakalipas na dekada.

Ngayon ay mapili raw si Alessandra sa kanyang mga ginagawa. “Talagang it has a strong message ‘yung material mismo. Minsan hindi naman siya gano’n. Minsan, sobrang exciting naman ng role na ‘to. Minsan ang saya namang kasama nitong mga ‘to.  Gusto kong gawin ‘to. Basta huwag lang talaga mga… kunyari nagba-bash ng whatever or horror. Huwag ng horror for me. ‘Yung kontrabida okay naman ako. Bigyan n’yo naman ako ng back story bakit ako bad. Para maintindihan naman ako ng mga tao. Because ‘pag kunyari nanonood tayo sa TV ng mga teleserye, kapag umiiyak tayo, totoong umiiyak tayo. We really feel empathy for the character. And same as kontrabida, umiinit talaga ang ulo mo kapag nakikita mo ako, I don’t think I need that kind of energy, na may nambabato ng masama sa akin,” nakangiting pahayag sa amin ni Alessandra sa Fast Talk with Boy Abunda.

Bukod sa pagiging artista ay abala na rin ang dalaga sa pagiging manunulat at direktor. Hindi raw pabor si Alessandra sa paggawa ng kissing o love scenes sa kanyang mga proyekto ngayon. “Ayaw ko, hindi rin sila required sa films ko na gano’n. Dito mayroon kaming konti sa Everyone Knows Every Juan. Tapos tinanong ako, ‘Ipapakita ba ‘yon?’ ‘Hindi siya ipapakita, mababanggit lang talaga siya,’ gano’n. Hindi na kailangan visually ipakita,” kwento niya.

Matatandaang naranasan din noon ng aktres na makipaghalikan sa leading man ng pelikula. Pandidiri umano ang naramdaman ni Alessandra noon habang ginagawa ang maselang mga eksena. “Nakakadiri siya number one. Number two, kapag nakita mo siya, ‘yung first ko kasi eight shots, paikot-ikot. So parang I was 16, 17 years old, nasaktan ako. Pwede palang mangyari ‘yon na hindi mo kontrolado na another shot, another take. Kiss kayo, gano’n. Noong napanood ko siya parang na-feel ko magiging proud ba ang tatay ko sa akin? Puro lalaki rin ang mga kaibigan ko. Wala silang nakikitang that side of me kasi nga when I’m around them, boys tayo. Then all of a sudden, biglang gano’n,” paglalahad ng aktres.

Maraming mga proyekto ang pina­lampas na ni Alessandra dahil ayaw gumawa ng maseselan na eksena. Wala raw pinagsisihan ang aktres sa kanyang naging desisyon noon. “Marami akong nawala. ‘Yung isa may exposure kasi kapapanganak pa lang. Or ‘yung isa importante talaga ‘yung love scene. Malaking project sila pero hindi naman ako nagsisi,” pagtatapat ng dalaga.

Simula October 22 ay mapapanood na sa mga sinehan ang pelikulang Everyone Knows Every Juan na pinangunguhan ni Alessandra.

Bilang aktor at direktor ay talagang kakaibang karanasan para sa dalaga na makatrabaho sina Edu Manzano, Joel Torre, Gina Alajar, Ronnie Lazaro, Ruby Ruiz, Jaime Fabregas, Angeli Bayani, JM de Guzman, at Kelvin Miranda. “Lahat ng nandito ay idol ko. Sila ‘yung tipong kapag napapanood ko ‘yung movie, gusto ko silang hanapin at sabihing, ‘Ang galing mo do’n.’ They’re very sincere actors eh and that what makes them good actors,” pagtatapos ni Alessandra. — Reports from JCC