Altas patuloy ang panunuwag | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pinatumba ng University of Perpetual Help System DALTA ang Arellano University, 72-67, sa NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Dumiretso ang Altas sa kanilang ikaapat na sunod na arangkada para walisin ang unang ikutan sa Group A kasabay ng paghuhulog sa Chiefs sa 1-2 marka.

Kumamada si Mark Gojo Cruz ng 13 points para sa Perpetual na isinuko ang hawak na 11-point lead sa fourth quarter.

Idinikit ni T-Mc Ongotan, tumapos na may game-high 20 points, ang Arellano sa 65-67 sa huling 1:32 minuto ng laro.

Ngunit ang isang acrobatic lay-up ni Sleat ang muling naglayo sa Altas sa 69-65 kasunod ang itinawag na flagrant foul kay Ongotan na pumigil sa paglapit ng Chiefs.

Sa unang laro, sumampa ang Letran sa win co­lumn matapos lusutan ang Emilio Aguinaldo College, 84-80.

Bumira si Deo Cuajao ng 23 points tampok ang anim na three-point shots para tulungan ang Knights sa pagtuhog sa 1-3 kartada sa Group B.