4 dikit hinataw ng Lady Bulldogs


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

October 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Napalaban ng todo ang four peat-seeking National University bago nilapa ang tigasing Adamson University, 29-31, 25-22, 21-25, 25-21, 15-10 sa simula ng second round ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum Manila kahapon.

Umahon mula sa 1-2 match deficit ang Lady Bulldogs upang makahirit ng deciding fifth set at itakas ang mahirap na panalo sa Pool E matapos ang dalawang oras at 36 minutong banatan.

Napahaba ng NU ang kanilang winning streak sa apat sa event na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel- Apo View Hotel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.

Pinamunuan ni sophomore Celine Marsh ang opensa para sa SSL National Invitationals Davao Leg champion sa kinanang 19 points mula sa 15 kills, tatlong blocks at isang ace.

Ayon kay Marsh kaila­ngan nilang maging focus sa laban hanggang sa dulo ng tournament na katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.

“Biggest challenge ng team namin is kapag nasa dulo na kami we still need to stay composed and hindi nagmamadali. That was our problem sa set one,” ani Marsh.

Bumakas si Alex Mata 16 points, nagtala si veteran Vange Alinsug ng 14 mar­kers habang 10 ang tinipa ni Chams Maaya para sa Lady Bulldogs.

Sunod na makakalaban ng NU ang University of the Philippines sa Linggo ng alas-12 ng tanghali, tsansa nilang makasikwat ng quarterfinals twice-to-beat advantage sa ligang mapapanood sa live and on demand via PusoP.com at Solar Sports.