Eala nasa Japan na | Pilipino Star Ngayon


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Kasado na si Alex Eala para sa 2025 Japan Open na papalo mula Oktubre 13 hanggang 19 sa Osaka, Japan tampok ang mga world-class players na kumpirmadong lalahok.

Galing si Eala sa isang linggong pahinga.

Kaya naman maganda ang kondisyon nito bago maki­pagsabayan sa matitikas na netters sa mundo kabilang na si home town favo­rite Naomi Osaka ng Japan na kumpirmado na ang pagsabak sa torneo.

Nasa Osaka na si Eala kung saan nagpost pa ito ng larawan sa kanyang social media sa pamosong Glico Running Man sa Doton­bori, Osaka.

Kasalukuyang nasa No. 54 si Eala sa world ranking ng WTA.

Target nitong makapasok sa Top 50 upang mas lalo pang lumakas ang tsansa nitong makapaglaro ng direkta sa main draw ng mga Grand Slam events.

Kaya naman inaasahang ilalabas ni Eala ang buong lakas nito sa Japan Open upang magkaroon ng magandang resulta ang kanyang kampanya.

May 1,123 points na si Eala sa WTA kung saan 89 na puntos o mahigit pa ang kailangan nito para ma­ungusan si American Ashlyn Krueger na nasa No. 50 at may kasaluku­yang puntos na 1,212.

Dahil dito, kailangan ni Eala na makapasok sa se­mis ng Japan Open para makasiguro ng 98 puntos, kung makakapasok ito sa finals, makatitiyak ito ng 163 puntos.

Kung magkakampeon naman ito, may 250 puntos itong makukuha — sapat para makapasok ito sa Top 50.