October 14, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Handa na si Paris Olympics gold medalist Carlos Yulo na makipagsabayan sa prestihiyosong 53rd FIG Artistic Gymnastics World Championships na gaganapin mula Oktubre 19 hanggang 25 sa Jakarta, Indonesia.
Target ni Yulo na muling makuha ang gintong medalya sa kanyang mga paboritong events — ang floor exercise at vault events.
Sa floor exercise at vault din nakasungkit ng gintong medalya si Yulo sa Olympic Games noong nakaraang taon sa Paris, France.
Nakuha rin ni Yulo ang ginto noong 2019 sa floor exercise at 2021 sa vault sa World Championships.
Kaya naman nakasentro ang lahat kay Yulo na paboritong magkampeon sa dalawang naturang events.
Sasalang muna ang lahat sa qualification kung saan ang Top 8 gymnasts sa bawat apparatus ang papasok sa final round.
“I’m really focusing on doing all-arounds at the same time doing vault and floor. It’s going to be a tough competition for me at the same time, but I’m going to make sure to prepare myself,” ani Yulo sa FIG website.
Magbabalik si Yulo sa World Championships matapos hindi sumali noong nakaraang taon para paghandaan ang Paris Games.
Huling naglaro si Yulo sa Asian Championships na ginanap sa Jecheon, South Korea noong Hunyo kung saan nakaginto ito sa floor exercise at tanso naman sa all-around, vault at parallel bars.
Makakasama ni Yulo sa kampanya sa World Championships sina Juancho Miguel Besana, John Ivan Cruz at Justine Ace de Leon.