Unang BP gold kay Pablito, Quezon City athletes nagparamdam


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 27, 2025 | 12:00am

GENERAL SANTOS CITY, Philippines — Inangkin ng isang Bago City thrower ang unang gintong medalya, habang kaagad nagparamdam ang Quezon City sa 2025 Batang Pinoy kahapon dito sa Antonio Acharon Sports Complex.

Naghagis si Divine Andrea Pablito ng Bago City ng 32.19 meters para magreyna sa girls’ under-18 discus throw event ng athletics competition.

Inungusan ng estud­yane ng Ramon Torres National High School para sa gold medal sina Trisha Gayle Nalla ng City of Maasin (31.26m) at Gwenn Julia Salac ng Tarlac (30.05m).

“First time ko pong ma­nalo ng gold medal dito sa Batang Pinoy, kaya masa­yang-masaya po ako,” sabi ng 17-anyos na si Pablito na tumapos sa pang-walo sa 2024 edition sa Puerto Princesa City, Palawan.

Panalo rin ng ginto si Rich Justin Torres ng Tarlac sa boys’ under-16 shot put sa inihagis niyang 14.01m.

Sa cycling sa Brgy. Tambler Kalatao, inangkin ng mag-utol na sina Lexi at Aerice Dormitorio ng Quezon City ang dalawang gintong medalya.

Nagtala si Lexi ng bilis na 26.53 segundo sa girls’ 16 to 17 MTB XCO habang may 24.37 segundo si Aerice sa girls’ 14 to 15 MTB XCO.

Wagi rin si Juana Michelle Villamor ng Maguin­danao del Norte sa girls’ 12 to 13 MTB XCO sa kanyang tiyempong 22.14 segundo at si Nathaniel Dalanao ng City of Tabuk sa boys’ boys’ 12 to 13 MTB XCO sa oras na 19.50 segundo.

Sa swimming, nagdagdag ng gold sa Quezon City si Liv Abigail Florendo sa kanyang panalo sa girls’ 14-15 200m Individual Medley sa tiyempong 2:35.59.

Lumangoy naman ng mga bagong BP records sina Ashton Clyde Jose ng Santa Rosa City, Laguna at Christian Isaiah Lagnason ng GenSan.

Tumipa si Jose ng bagong markang 02:15.12 para kunin ang ginto sa boys’ 16-17 200m IM habang itinala ni Lagnason ang bagong record na 02:19.63 sa boys’ 12-13 200m IM.

Kumuha rin ng gold si Sophia Rose Garra ng Ma­labon sa girls’ 12-13 200m IM (2:32.14).