Lady Bulldogs sasakmalin ang bonus sa quarterfinals ng SSL Preseason Unity Cup


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

October 15, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Target ng defending champion National University na sakmalin ang quarterfinals twice-to-beat advantage sa kanilang engkuwentro ng Ateneo de Manila University sa second round ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup na lalaruin sa San Andres Gym, Manila, nga­yong araw.

Magsisimula ang laba­nan ng NU at Ateneo sa alas 12 ng tanghali, pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng University of the Philippines at Adamson University sa alas-10 ng umaga.

Nangunguna sa Pool E ang Lady Bulldogs na may 3-0 karta sa event na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel- Apo View Hotel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners. 

Magbabangayan naman sa pangatlong laro ang San Beda University at Far Eastern University sa alas-2 ng hapon sa tournament na katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea. 

Nilapa ng four-peat-seeking Lady Bulldogs ang Lady Falcons noong Sabado sa limang sets bago nilapnos ang Figh­ting Maroons sa four sets, kinabukasan sa ligang mapapanood sa live and on demand via PusoP.com at Solar Sports.

Sasandalan ni Lady Bulldogs head coach Regine Diego sina Vange Alinsug, setter Lams La­mina, Alexa Mata, Chams Maaya at youthful winger Celine Marsh, na naga-average ng 16.5 points per game sa playoffs.

Samantala, kaila­ngan ng UP na manalo ng straight o four sets sa last two assignments nila para makasikwat ng twice-to-beat advantage.