MANILA, Philippines — Ang unang back-to-back wins ang ikokonekta ng TNT tropang 5G sa pagsagupa sa Terrafirma sa Season 49 PBA Philippine Cup sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Lalabanan ng Tropang 5G ang Dyip ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang bakbakan ng nagdedepensang Meralco Bolts at NorthPort Batang Pier a alas-7:30 ng gabi.
Tinapos ng TNT, hangad ang Grand Slam ngayong season, ang kanilang tatlong dikit na kamalasan makaraang talunin ang San Miguel, 89-84, noong Linggo.
“Certainly, it’s a step in the right direction, but our effort in the next few games is going to tell if we’ve started to turn that corner. Like I’ve said, this is just the first step. We’re happy but we cannot be content with this,” sabi ni coach Chot Reyes sa kanyang tropa.
Matapos namang manalo sa Phoenix sa una nilang laro ay bumulusok sa apat na dikit na kamalasan ang Terrafirma.
Dalawang beses ginulat ng Dyip ang Tropang 5G ngayong season.
At ayaw na ng 11-time PBA champion coach na si Reyes na makatatlo ang Terrafirma sa TNT.
“We’re going to go back and have a good, strong, hard three practices to prepare for Terrafirma,” sabi ng 61-anyos na si Reyes.
Samantala, mag-uunahan ang Meralco (2-3) at NorthPort (1-3) na makabangon mula sa tatlong sunod na kabiguan.
Yumukod ang Bolts sa Beermen (98-110), Fuel Masters (97-109) at sa Rain or Shine Elasto Painters (116-128).
Minalas naman ang Batang Pier sa Elasto Painters (96-113), Blackwater Bossing (98-120) at Ginebra Gin Kings (106-131).
