Pilipino Star Ngayon
October 16, 2025 | 12:00am
Pagbubukas ng bagong yugto sa buhay ang ibinahagi ng Kapamilya singer na si Bryan Chong sa kanyang debut album na Departure.
Mula sa komposisyon ng dating Idol Philippines season 2 finalist ang lahat ng awitin sa album tulad ng Isang Gabi, MLNDE!, Hindi Tayo, Tahan, Sugal, at ang naunang singles na Ereplano at K*pal. Iprinodyus ang album ni StarPop label head Roque “Rox” Santos.
Binalikan ni Bryan sa key track na MLNDE! ang naging karanasan niya sa pag-ibig kung saan inamin niya ang mga naging pagkukulang at mga aral na natutunan niya.
Unang pumasok sa mundo ng musika si Bryan noong 2017 bilang kalahok sa unang season ng The Voice Teens Philippines kung saan naging coach niya si Sarah Geronimo. Makalipas ang limang taon, muling bumalik si Bryan at sumabak sa Idol Philippines season 2, kung saan siya ay nagtapos bilang isa sa top 5 finalists ng kumpetisyon.
Noong 2019, inilabas niya ang kanyang unang single na Pakiusap, na nagbigay sa kanya ng nominasyon sa 12th PMPC Star Awards for Music para sa Male Acoustic Artist of the Year at New Male Recording Artist of the Year.
Napanood siya kamakailan bilang guest performer sa BGYO NOW: The First Solo Concert at The Big Night concert ni Klarisse de Guzman kung saan inawit niya ang Ereplano.
