October 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Walang balak magpaawat ang bagong head coach na si LA Tenorio at ang kanyang Magnolia Hotshots sa tangka nilang solo liderato sa bagong saltang Titan Ultra sa pagpapatuloy ng PBA Season 50 Philippine Cup ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.
Kikilatisin ng Hotshots (1-0) ang Giant Risers (1-1) sa alas-5:15 ng hapon bago ang banggaan ng magkaribal na Barangay Ginebra (1-1) at Meralco (1-2) sa main game sa alas-7:30 ng gabi.
Wagi si Tenorio sa kanyang PBA head coaching debut matapos daigin ang guro at long-time head coach na si Tim Cone at ang Ginebra, 80-73, sa Manila Clasico opener ng golden anniversary ng PBA bilang pinakaunang professional league sa Asya.
Ito ang sasandalan ng dating batikang Gin King upang manatiling walang galos sa bagong kabanata ng kanyang karera na coaching.
“We did not achieve anything. Katulad nga rin ng sinabi ko sa mga players, we won that game but it’s just one win in the standings,” ani Tenorio.
“I cannot be complacent just because we got this game. Tulad nga ng sinabi ko kanina, we got this win and we got this off our chest. This is just the start of our journey. We have to get better every day. We have to be disciplined and we have to be focused on the things we need to do.”
Sasandal si Tenorio sa pambatong sina Zav Lucero, Paul Lee, Mark Barroca, Jerom Lastimosa, Ian Sangalang at bagong alas na si Javi Gomez de Liaño upang malagpasan ang pagsubok ng palabang Titan Ultra.
Tulad ng Magnolia ay naging maugong ang debut ng Titan Ultra na siyang bumili sa prangkisa ng NorthPort nang silatin ang dating Philippine Cup champion na Meralco, 100-96.
Sakay ng 41 puntos ni Calvin Abueva ay nagsilbing regalo iyon ng Giant Risers sa bago din nitong head coach na si Johnedel Cardel bago sila yumukod sa Converge FiberXers, 129-92, para sa 1-1 kartada.