Cardinals pinulutan ng Red Lions


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 18, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Pinabagsak ng San Beda University ang nagdedepensang Mapua University, 79-70, sa crossover eliminations ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.

Kumamada si Fil-Am Janti Miller ng 20 points tampok ang apat na three-point shots  habang may 11 markers si Nygel Gonzales para sa ikaapat na panalo ng Red Lions sa anim na laro.

Nadiskaril ang hangad na back-to-back wins ng Cardinals at nalaglag sa 3-2.

Sa pangunguna ni Miller ay inilatag ng San Beda ang isang 19-point lead bago isara ang first half tangay ang 49-34 kalamangan.

Ngunit nakabangon ang Mapua sa third period mula sa isang 11-0 atake para makadikit sa 58-59 sa huling 1:14 minuto nito.

Agaw-eksena naman si Penny Estacio sa kanyang three-point shot at isang basket sa huling 57 segundo ng fourth quarter para sa 77-68 abante ng Red Lions.

Umiskor lamang si Cardinals star guard Clint Escamis ng dalawang puntos sa loob ng 24 minutong paglalaro.

Sa unang laro, pinadapa ng Emilio Aguinaldo College ang Arellano University, 84-73, tampok ang 19 points ni Wilmar Oftana.

Kumonekta rin si Oftana ng limang three-point shots bukod sa tatlong assists at tatlong steals para sa 2-3 baraha ng Generals kapareho ng marka ng Chiefs.