November 18, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Binigyan ng Meralco Bolts ng magandang regalo ang mga nasalantang kababayan sa Cebu matapos ang 92-74 panalo kontra sa Macau Black Bears sa 2025-2026 East Asia Super League (EASL) kamakalawa ng gabi sa Cebu Coliseum.
Matatandaang dinaanan ng delubyo ang Cebu bunsod ng magkasunod na lindol at bagyo sa nakalipas na dalawang buwan subalit nakasilip ng pag-asa sa krusyal na panalo ng Bolts.
At walang iba kundi ang resident PBA import na si Rondae Hollis-Jefferson ang sumiguro nito nang tumabo ng 34 points, 10 boards, 5 assist at 2 blocks.
Sumuporta sa kanya si Ismael Romero na may 25 points at 28 rebounds para sa bagong rebounding record sa EASL na siyang unang regional league sa Asya tampok ang mga pambatong koponan ng Pilipinas, Japan, Korea, Taiwan, Macau, Hong Kong at bagong sali na Mongolia.
Nalagpasan ni Romero ang dating rekord na 23 rebounds ni Xavier Cooks ng Chiba Jets sa ginanap na EASL Final Four noong Marso 2024 sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu City.
Nag-ambag din sina Chris Banchero, Asian import Sina Vahedi ng Iran at Chris Newsome ng 12, 10 at 7 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Meralco na umangat sa 2-2 kartada sa Group B.
